Posted in
This is supposed to be my second short film. Just post a comment if you like it.
May nagtatanong, may naguguluhan, mayroong litong-lito na. Kanina pa nila gustong malaman. Naikwento ko lang naman. Halos yata lahat ng mga kaibigan, kaibigan, kabarkada, ng mga kilala ko, hinahanap siya. Hindi ko lang sigurado sa mga kababaihan, dahil hindi ko pa nakikilala ang para sa kanila. At malamang dahil hindi ako babae. Para sa mga nakakatanda at masaya na sa buhay, marahil ay nakilala na nila siya. Pero ako, grade 6 yata ako noong una kong napagkamalang siya ‘yun. Hindi pala. Nalaman ko na lang na may nakalaan na pala para sa kanya.
Hinanap ko ulit siya noong 1st year high school. Hindi ko pa rin siya nakikilala. At noong sa pangalawang baitang ko sa high school, nag-isip ako. Mukhang nakita ko na yata siya. Meydo matagal rin kaming nag-usap, nagkakilanlan, at nagkamabutihan. Ngunit hindi nagtagal, natuklasan ko, hindi pa rin siya ‘yun. Ibang-iba ang ugali niya kumpara sa tunay na katauhang binabanggit ko.
Nakilala din siya ng mga kaibigan ko noong nasa 4th year kami, may nagtagal, at ngayo’y nagkikita pa rin naman sila. Hindi sila nagkakasawaan. Hindi ko lang alam kung hanggang kailan. Mayroon din namang iba, sinamahan na siya sa panghabang buhay sa pag-aakalang siya na nga iyon. Hanggang sa maisip at napagtanto na
Sabi ng mga matatanda, hindi siya dapat seryosohin. Iyon ay sa mga panahon kung saan ang dapat unahin ay ang sariling kapakanan. Hindi ko sinasabi na maging makasarili. Paliwanag nila, dapat ay may oras ka para sa kanya. At mahirap iyon kung nasa sitwasyon ka ng giyera sa loob ng isang silid at may mahabang kahoy na kulay berde. Umayon naman ako dito, ngunit hindi ko maiwasang aminin sa sarili na mahirap siyang tanggihan.
Nakapag-bigay siya ng saya, ng lungkot, ng galit, ng inspirasyon at mga bagay na makokonsiderang bumubuo sa pagkatao natin. Marami siyang nagagawa. Ngunit bihirang-bihira pa rin ang nakakakilala sa kanya ng tunay. At marami rin ang hindi pa nakakakita sa kanya. Aaminin ko, mahirap nga talaga siya hanapin. Dahil sa bawat tao, may isang katulad niya na makakapag-pabuo sa anumang pagkukulang sa buhay.
Maari rin siyang mag-aya sa mga lugar na magaganda, mall, parke, eskwelahan, at kainan. Maari mo siyang dalin sa kanto, sa kalsada, sa bahay mo, sa mga magulang mo, o kahit sa harap ng mesa at krus. Ngunit tulad natin, tao rin daw siya. Nasabi kong ‘daw’ dahil maaring tunay o kathang-isip lang siya. May buhay. Baka masyadong maaga kung makilala mo siya ngayon, o baka masyado nang huli. Sabi nga nila, mahirap na kalaban ang oras.
Marami nang ginawa ang tao upang makita siya. Maririnig sa radio, mababasa sa dyaryo, makikita sa billboard, mapapanood sa telebisyon, kalokohan sa baranggay at kung anu-ano pang mga pakulo upang hanapin siya. Pero sa kahuli-hulian, hindi rin naman sila nagtatagumpay. Sabi ng mga kritiko, pinipilit daw kasi kaya imposible siyang magpakita doon. At umayon ako nang sinabi nila, “hindi sa ganoong paraan siya makikita. Walang eksakto at siguradong paraan para gawin iyon”
At dahil doon, napa-isip na lang ako. Paano nga ba talaga siya makikilala? Anong paraan ang gagawin ko? Sasali ba ako sa mga patimpalak sa plaza? Magtatapon ng hiya sa telebisyon, at magpapakapal ng mukha sa radyo? Naguguluhan na ako. Pero hindi lubos.
Kung anu-ano na rin ang pina-uso ng mga kabataan upang makita siya. Nakipaglaro sa tadhana at pagkakataon upang makasabay siya sa pagkain. Pisak ang mata upang maniguro. Ngunit wala naman talagang kasiguruhan. Simpleng kalokohan. Magtagumpay man ay hindi lubos na totoo nga ito. Naituring na itong mapanganib dahil sa mga nagsusulputang kaso ng pang-aabuso. Nang dahil sa desperado na siyang makita ay kung anu-ano na rin ang kanilang binibitawan, binibigay upang sunggaban ang pagkakataong magkamali.
Maraming nagtatanong kung bakit daw ganun ang pangalan niya. Bakit sa lahat ay iyon pa? Kahit ako ay hindi ko maipaliwanag sa aking sarili. Inaamin ko noong una ay hindi ko talaga alam ang kanyang pangalan. Kaya tinawag ko siya sa pangalang iyon. Pero kung sa anong dahilan, silbi, patutunguhan, ay hindi ko pa mahanap ang sagot.
Siguro ganun na lang talaga ang masasabi ng isang tao sa panahong nagtatanong na siya? Nakilala mo na ba siya? Saan mo siya hahanapin? Paano mo siya makikilala? Ano ang basehan mo sa pagkakakilanlan mo? Nakasisiguro ka bang siya nga iyon? Maraming tanong. Maraming pala-isipan. Marahil nandiyan lang siya. Marahil ay katabi mo lang, kausap mo kanina, o kakwentuhan mo kahapon.
Marami nang naghahanap sa kanya. May nabigo at nagtagumpay. Ngunit hindi ko sigurado kung sinu-sino ang mga iyon. Baka kilala mo sila. Matagal ko na rin siya gustong makita at makilala. Hindi ko alam kung kailan, saan at sa kung anong paraan.
Sino nga ba talaga si Bea?
“Sino nga ba talaga si Bea?”
Written for Short Film by: J.M. Oleo
Note: This is a plot draft; any changes may be made during its production.
Intellectual Properties Law Applies.